This is a very long
post. It's the complete transcript of P'Noy's SONA 2012. Planning on dissecting
these soon...
So here we go:
[START TRANSCRIPT]
State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives,
Batasan Pambansa Complex, Quezon City, on July 23, 2012]
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph
Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema;
mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang
na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang
lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at
kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong
mga boss, magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula
tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin
ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang
wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit
ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas
Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang
aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging
saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking
prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang
kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may
makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon, “Kung hindi
tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon
natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at
karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang
liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar:
Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan.
At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang
parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa
atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos
ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang
benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula
lima, naging dalawa. Ang masaklap pa po, pinapabayaran na sa atin ang utang
nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng
pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw
ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi
ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita
mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang
mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin
nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng
tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na
nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos
tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang
kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa
po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa
modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa
ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa
natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban
nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at
kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin
ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na
humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa sa dalawang
taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na
pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi, at
makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi makakaya ang
nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang
pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang
tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang relief, at
hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay ang rescue
services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t
isa. Karaniwan na po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya, o
bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong
dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan,
hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for business under new
management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang
nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba, tsamba.
Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? [Applause] Sa Philippine
Stock Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga
nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan
yata sa pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala
tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. [Applause] Nito pong
first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo
niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region;
pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati
po, tayo ang laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang
nagpapautang. [Applause] Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon,
sila na ang dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong po namin,
ang sabi ay, “Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura,
pero una naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isa pong malaking bangko sa
Inglatera, kamakailan nakipag-usap sa atin, ang sinabi, maisali sana sila sa
ating kinukunsulta sa usapang pinansyal.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista.
Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the Philippines.”
Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing
maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next Tiger.” [Applause]
Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global Macro ng
Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a joke.” At mukha naman
pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang bilyong dolyar ang ipinasok
ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause] Sana nga po, ang
kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita.
[Applause]
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin
po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program . Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1
million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito,
naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid
Pamilya. [Applause] Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang
sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan
natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga
pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa
listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapacheck-up.
Idagdag pa natin, 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea,
polio, tigdas, at iba pa. Four point fifty-seven million na estudyanteng hindi
na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t dalawang
porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap,
hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng
kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent
ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang ibig pong
sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth
mula nang bigyan tayo ng mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na kabahayang
tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at walang-bayad nang
makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. [Applause] Dahil po sa No
Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue,
pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic
disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na
nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa
alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card.
Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung
Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang buhay
nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino
ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating
pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong
hindi naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po
natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang
mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. [Applause]
Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health
Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor
at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan makursunadahan ng
kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan sila kailangan,
doon sila ipinapadala: [applause] sa mga lugar na matagal nang naiwan sa
laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional sa 1,021 na
pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at
munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission. [Applause]
Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at
nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at midwife na dati ay
walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din ang
dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin: kalusugang
pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng
kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang kailangan
upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating
iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang
taon. Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Maaga
pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero nakakaengganyo po ang mga
paunang resulta nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala
ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon noong
2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011:
mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang
reduction po ito. [Applause] Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa
Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang
ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010,
naging apat na lang noong 2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na
yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario
Montejo ng DOST, [Applause] Wala ho tayong masyadong umento, baka sa
palakpak n’yo’y ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa
ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga
hakbang upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan.
Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na
kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill . Maipasa na po sana ito sa lalong
madaling panahon. [Applause] Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa
ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim
ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya
sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago matapos ang
susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa
silid-aralan. [Applause] Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa
lang ho this year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan
na rin nating matutugunan bago matapos ang 2012. [Applause] Sa taon din
pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot
na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. [Applause]
Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag
uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible Parenthood ang sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State Universities and
Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat sa kanilang
budget para sa susunod na taon. [Applause] Paalala lang po: lahat ng
ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na
ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng
kaukulang state universities and colleges, upang siguruhing dekalidad ang
magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang
grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod
para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo. [Applause]
Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po
ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion pesos.
Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. [Applause] Noong
2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan
upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013. [Applause]
Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes para
mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki sa 177, at
ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa ring binawasan
natin ang budget ng edukasyon o magsasabi pa ring binawasan natin ang budget ng
edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang inyong mga paaralan na maghandog ng
remedial math class para sa inyo. [Laughter and applause] At sana po, sa
mga klaseng ‘to, pakiusap namin, sana itong klaseng remedial na nga eh pasukan
naman po ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan
ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang
itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng
negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang industriya na
ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay may
sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin
ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na pinakamahihirap na
kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang hindi iniintindi ang
gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin
ninyong, “Ayaw kong gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang Pilipino nang
tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid Pamilya,
tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ibabalik ko kayo sa
kawalan ng pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng makapangyarihan ang
mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga
scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo para rito.
Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang sinisingil ng
mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t
isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause] hindi siya
nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya.
Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal pa
rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program. [Applause]
Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista Technopreneurship
Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin po ninyo, bawat
isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos
kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang sistema
para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng
ating ekonomiya.
Alalahanin po natin, para tumabla lang, kailangang makalikha taun-taon
ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants. Ang nalikha po
natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang unemployment rate
sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment rate. Naging 7.2
ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng
Abril. ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang
magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong 2000, limanlibo
katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po tayo: 638,000
katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong dolyar ang
ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011. Ang projection nga po,
pagdating ng 2016, kung saan ako po ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion
dollars na ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng 1.3 million na mga
Pilipino. [Applause] Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2
million na mga taxi driver, barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami
pang ibang makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO
industry.
Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy ang pagpapatayo
ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na
naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po
ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid. Bago matapos ang aking termino,
nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause] New Legaspi
Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. [Applause]
Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto
Princesa, at Tacloban. [Applause] Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng
mga airport sa Butuan, Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte,
at San Vicente sa Palawan. [Applause] Kami po sa Tarlac ay maghihintay
na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA 3. Hindi
lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging mga problema’t
anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar Roxas: bago
tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang mga structural defects na minana
natin sa NAIA 3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa LRT Line 1
Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas, Parañaque, at
Cavite. [Applause] Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa
Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon
Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po
ang mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes na lang
ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito. Bago po
tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na terminal sa
Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng probinsya, [applause]
upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati’y
itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at
umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang
aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala.
Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng
DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera.
Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila
ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang
mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw
kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “Sobra namang trapik, ang dami kasing
ginagawa.” [Laughter and applause] Paalala lang din po: naisasaayos na
natin ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon
sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak natin ng
pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano, totoong kalsada na
ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers
sa ating national road network ang hindi pa naisasaayos. One thousand five hundred
sixty-nine kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni
Secretary Babes Singson; [applause] sa 2012—2,275 kilometers pa ang
maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang
mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang pinakabagong teknolohiya.
Taun-taon po nating bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat
pulgada ng ating national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag lang po
n’yo dagdagan ang national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil sa
pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6 billion pesos na ang
natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo. [Applause]
Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga
po nila, “Ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang imprastraktura
para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng turismo.
Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating bansa, 1.8 million.
Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million. Mantakin po
ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag nilang tourist arrivals,
1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating taon diyan. Tayo naman po,
Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang napalapag. [Applause]
Mas marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang taon, kaya hindi ako
nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na turista para sa 2012. [Applause]
Ibig sabihin po, 1.5 million na turista ang ating maidadagdag. Samakatuwid, sa
dalawang taon, mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist arrivals,
kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at kalahating taon.
Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa
Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at kung sa Thailand
naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang tanawin sa ating
bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating ng
2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon. [Applause]
Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas nating
hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New Seven Wonders
of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po natin sa
daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” [Applause] Kahit wala pang
isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang
positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating
pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our
Secretary.” [Applause]
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang agrikultura.
Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng mabubuting balita.
Binisita po niya ang lahat ng probinsya hindi para mangampanya sa sarili
pero para ikampanya ang programa ng Department of Agriculture. Dati, para bang
ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang utang ng NFA. Twelve billion pesos
ang minana nilang utang; ang ipinamana naman nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric tons ang
kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two million metric tons
ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila kung maka-order ng
bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga bodega. Ang 1.3
million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa 860,000 metric
tons. [Applause] Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer
sakaling abutin tayo ng bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong
pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong
mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito, makatotohanang programa
sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng certified seeds program. [Applause]
Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung dati
pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang cocowater na dati
tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka. Noong 2009—483,862
liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng 1,807,583 liters
noong 2010. Huwag po kayong magugulat, noong 2011, 16,756,498 liters [applause]—puwede
ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng Pilipinas.
Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may shortage na dahil
pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito. Bibili
pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng bunot para makuha ang mga
hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na taon, lalo nating
mapapakinabangan ang industriya ng niyog. Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos
upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian Reform Program.
Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng aking
panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang pagpapatupad ng
repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang
maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan at pinagyaman ng
kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga
balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang
atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na
dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng enerhiya. Mantakin
po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa barangay hall,
“energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganoon na lang kung ipagmalaki
nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may kuryente. Pati ba
naman sa serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng Pilipino,
nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at NEA,
naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300
sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang
napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng
814 million pesos. [Applause] Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong
buwan, at mas marami pa pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitiong
walang kuryente. Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako sa iyo; parang
hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka lang eveready,
nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going, and going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag na nagsiwalat
sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang
kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume
sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen na naitala noong 2009,
mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa
rito, ang dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010,
lampas kalahati rin ang ibinaba; 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po natin
sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala dapat magalit
na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok sa
kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at
naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso
at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa
Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na
ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na
inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng
iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang puwersa ng
kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang porsyento ng ating
kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng
masasamang-loob? [Laughter] May nanalo na po sa bidding, tinitiyak na
lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at
itong taon po nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na
magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. [Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi
na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.” [Laughter] Imbes
na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga
sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na
tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP Modernization
Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na
ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon. [Applause]
Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan. Kapag naipasa na ang panukala
nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng pitumpu’t
limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng
Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment
Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman
sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng
mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal, dadaong
na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating
pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz,
ang pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating
ipapalaot; [applause] ngayon, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang
tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating
Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa
ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na
tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa himpapawid. Dalawa pang C-130 ang
magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan
nating maide-deliver na ang binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H
Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo’t iba pang
communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories,
kasama na ang bullet station assembly para sa arsenal. [Applause]
Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang
naval helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force
protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating
pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay
dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim
ng AFP–PNP housing program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito
tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito
sa kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na kaytagal nating
inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw
sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik
siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po nating ang ilang mga
benipisyaryo ang magsabi sa pagbabago ng buhay po nila:
[Video starts]
“Nagpapasalamat sa Poong Maykapal. Binigyan kami ng
ganitong pagkakataon—binigyan ng blessing na ganito. Pangalawa, ‘yung
pagkakaroon nating ng mabait na pangulo. Itong proyekto na ito ay hindi niya
kami pinababayaan—mga kapulisan at mga sundalo—sandatahan ng ating
Pilipinas.” - SPO1 Domingo Medalla [PNP Housing Beneficiary]
“Kinakaya namin, Ma’am. Pero ginagawan ko talaga ng
paraan na makapasok sila [sa eskuwela]. ‘Yun lang talaga, ma’am, ang misyon ko
sa buhay na mapaaral sila, maibigay ko ‘yung tamang edukasyon, na hindi maging
gusgusin ang anak ko, hindi kaawa-awa[an] ng mga tao, may magulang na dapat
magtaguyod. At, napapasalamat ako sa Pantawid [Pamilya Program], ma’am, dahil
may natutunan ako ditong malaki.” - Eva Neri [CCT beneficiary]
“Malaking tulong na isa kami—ang alam ko
kauna-unahan na nakinabang at nakikinabang pa sa package na ‘to na Category Z
Package ng Philhealth. Nagpapasalamat kami nang sobra at hindi man
maganda na nagkaroon ng sakit ang anak ko, pero mayroong PhilHealth na
tutulong at handang tumulong sa mga gastusin namin.” - Kristine Tatualla
[PhilHealth beneficiary]
“Noong araw na nasama sa isang Oakwood Mutiny—‘yung
pinaglalaban namin, ito na po ‘yung hinihintay namin para sa pagbabago at ito
na po ang pagkakataon natin para magkaroon tayo ng sariling bahay lalong lao na
sa programa ng ating presidente na si Benigno Aquino III.” - PFC Rolly
Bernal [AFP Housing Beneficiary]
[Video ends]
At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang ginaganahan
ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong maituturing
ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan,
at ang 1,772 na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po, ang kilabot
na teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim.
Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na matagal
nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na barangay ang
naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang naipaayos, at 74 health
centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na
matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang
mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n’yo, may mga ghost students doon,
na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo
sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor
Mujiv Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost
students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang
pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga tauhan
ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang ghost entry ang
tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada
para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya,
para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik
na ang kaluluwa. [Applause] Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang
masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at learning center para
sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery, lambat, materyales para
maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng 2,588 na mangingisda.
Certified seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at mga punong namumunga para sa
145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan; nakalaan na ang 183 million pesos
para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para
sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa malinis na inuming tubig;
551.9 million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan; 691.9 million pesos
para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para sa mga kalsada at tulay na
babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion
pesos na ipinagkaloob ng pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma
sa ARMM. [Applause] Lilinawin ko rin po, hindi pa kasama rito ang
taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7 billion
pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na ang epekto ng
reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang nakaraang
pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at
ng MILF. Sa peace process naman po, hayag at lantaran ang usapan. Nagpapamalas
ang magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan, magiging
masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit ang
nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong natin upang mabuo
ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong
consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat ang buhay ng
Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na salinlahi. Hindi
natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung ang magiging
kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan. [Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo, noong 2010, 145
billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina, subalit 13.4
billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang
likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta
sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas
na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan ang
magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang makukuha
natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk Reduction and
Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng tulong.
Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan idedestino ang
ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala ang nangyari po
sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang isang
dike. Nang nagising ang atin pong barangay captain, tinangay na ng baha ang
kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nakaligtas ang buong
mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno; nabigti ito
sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng bagyong Ondoy,
Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit ng mga delubyong ito.
Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH ,
isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na
rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang
teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at
makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim na automated
rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring sensors natin sa iba’t
ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin: animnaraang automated
rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t dalawang water level sensors.
Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing river basins sa
buong bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y kanya-kanyang habulan ng
numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang kultura sa
gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po ang tawag
natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree planting. Pero
matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga komunidad
na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares ng kagubatang
naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5 million na
ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. [Applause] Nakapaloob
po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence
Initiative. Ang proseso:
pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad. Kapalit ng
conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga magpapalago
ng bagong punla sa nursery. Three hundred thirty-five thousand seventy-eight na
po ang mga Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong sektor, na
nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at tinuturuan
silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa lilim ng
mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong
makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin
ng ani. Panalo po ang mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang pribadong
sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno.
[Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang lumapag
ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na
milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang
ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad na
naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga
pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo, ang dating
pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting kinabukasan.
Dati, imposible nga ito; imposible kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa
ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit isinusugal ang
buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang araw po
ninyo. [Applause] Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng
DENR, isang PNP provincial director, at pitong chiefs of police.
Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na
nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong
dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo.
Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama
na rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa
magkasalubong ang ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda
sigurong tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang
haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy
pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng
pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa
kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga pensyonado tayong
tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito pagkakasiyahin
sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng
bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang
pensyon ng ating old-age and disability pensioners. [Applause] Masaya
tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal
ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa pribadong
sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay kayong
na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin sa mga
nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski palpak
ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang
rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng
makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay
magtrabaho. Nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang naman
ang insentibo ng mga tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan ito. Simula
ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay nakabase sa
pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon. [Applause]
Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo,
maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa
pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na
Christmas bonus na matatanggap mo.
Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita
ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa
Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at
umaasang sila at sila lamang ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi
nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon mayroon pa rin
pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang
simpleng sagot, “Siyempre.”
Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang “Wild West” ang
pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko
dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan,
kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong
mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy
ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong
siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil
maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat pisong
nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa
bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga
ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto,
serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng
pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas
ang pambansang ekonomiya.
Tunay nga po, ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting
pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng
daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at
ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling pag-angat.
Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa
iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang
sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang
pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga
mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at
nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan
kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito,
nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong
West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa,
kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on the
Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang
tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong
sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa atin.
Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin ang
ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa
bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de
Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at
sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba kayo?
Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin
talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito.
Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang
panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang solusyon.
Magtiwala po kayo, kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng
ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng
usaping ito—upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat. [Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit
may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako
ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga
sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita
lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang magsasabing
hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang sampung taon
na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa magsasakang nabaon sa
utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin
sa ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay
nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol
ang armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng limampu’t pitong
biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng “forgive and forget?”
[Applause] Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa
atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status
quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” [Applause]
Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli
sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay
at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban
sa dating pangulo. [Applause] Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang
nasaksihan natin noong ikadalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na iyon,
pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo
ay may mataas na katungkulan. [Applause] Noong araw na iyon, may isang
Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible palang iisang
batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong
Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang timbangan;
maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan
sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang imposible; ang trabaho
natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na
katarungan, matapos man ang ating termino. [Applause] Marami pong
sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging
madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na
mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating
sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: Kung inosente ka, buong-loob kang haharap
sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin,
anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong nakakabit sa iyong
pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, [applause]
sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, puwede na
niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang
‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa
kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay. [Laughter]
Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa
akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalistang o
komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang
ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa
pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment
trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado
at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na
sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan:
Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at agam-agam; kasama pa ang kaba na
kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero ‘di kayo
natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa
inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating
kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po: Hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na
natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa
isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa
Kongreso na ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering
Act, upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan pang sitio;
ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang walang
bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik
ng piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na
napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong
kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang taon.
Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at
kalahating taon na ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t sumusulong na ang agenda ng
pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa agendang
ito. At kung kontra ka sa amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung
kumukontra sila sa agenda ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y nasa panig
ninyo?
Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang
tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak? Tuloy
ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo’t paatras,
pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa bigat ng
pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa bang ituwid
ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagkapinuno:
Walang pong imposible. [Applause] Walang imposible dahil kung nakikita
ng taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka
nila, gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang
pagbabago. Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa
Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa
rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing, “Ang
Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na
ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na dayuhan—ang
Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo. [Applause]
Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan, magpasalamat sa mga
nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok
na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat,
sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat. [Applause]
Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang pribado at
mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko, kahit pa batid ninyong
ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo, panganib, at pambabatikos. Kaya
maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang papangalanan:
Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na dumidilig at
nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan ang
pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang natitira.
Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang taon, ang
hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat pagkakataon,
iangat ang kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula
ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss
at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong
posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na piniling magsilbi sa
mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho sa gobyerno; sa
bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng mundo; sa bawat
kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang gumawa ng
pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat at
nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing, “Salamat sa papel at
lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat at puwede ko
na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa
nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala
ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting buhay
ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto,
inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at
Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa inyo:
Kayo ang gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po, posible na ang dating imposible. Humaharap po ako sa inyo
ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng
sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa
lahat. [Applause]
[END TRANSCRIPT]
Reference
Links: Original transcript, Translated transcript
No comments:
Post a Comment